Simple answer: No.
Paano ba magsimba?
Mula 16th Century hanggang noong 1960’s, ang Misa ay isang ritwal na ginagawa ng pari (pari lamang) sa wikang Latin habang nakatalikod sa tao. Ang pagsisimba noon ay pagsipot sa Simbahan upang panoorin ang pari na gawin ang Misa. Dahil walang bahagi ang tao sa pagdiriwang, marami ang nagrorosaryo, nagnonobena, nag-iistasyon ng krus o gumagawa ng kanilang debosyon. Dito nanggaling ang katagang “to hear Mass.”
Pero nagbago ito sa pagdating ng ikalawang Konsilio ng Vaticano (Second Vatican Council). Sa reporma sa gawaing pagsamba ng Simbahan, binalik ang pakikibahagi ng sambayanan sa gawaing ito ng Simbahan kung kaya’t ang ating Misa ngayon at iba pang liturhiya ay may sagutan at may kantahan. Tayong lahat, bilang bahagi ng Mistikal na Katawan ni Kristo, ay nakikibahagi sa kanyang pag-aalay ng kanyang sarili sa pamamagitan ng mga sakramento at iba pang pagdiriwang. Nakikibahagi tayo sa pamamagitan ng pagtugon, pakikinig, pagkanta, pagkilos nang kasabay ng lahat, pagdarasal nang sabay-sabay at marami pang iba.
May ginagawa na tayo sa Misa kung kaya’t wala nang lugar ang pagrorosaryo, pagnonobena, pag-iistasyon ng krus at pagpapahid ng mga santo habang nagmimisa. Mas mahalaga ang makibahagi sa liturhiya kaysa sa mga debosyong ito dahil wala nang panalangin o gawain na mas hihigit pa ang halaga kaysa sa pakikibahagi sa liturhiya. Ang pakikibahagi sa pagsambang pampamayanan ay ang tunay na panalangin ng Simbahang Kristiyano (le vrai priere de l’Eglise).
Walang silbi ang pagdalo sa Misa kung di ka makikibahagi. Kung uupo ka lang at manonood, magtetext o makikipagdaldalan sa katabi, mas mabuti pang di ka na lang pumunta. Bilang Kristiyano at bahagi ng Katawan ni Kristo, ginagawa natin ang Misa dahil inaalala at isinangayon natin ang kanyang pag-aalay ng kanyang sarili para sa ating kaligtasan. Hindi ito obligasyong pinipilit sa atin kungdi isang bukas-loob na pagtugon natin sa awa at pagmamahal ng Diyos sa atin at pagsasabuhay natin ng ating pananampalataya.
Hindi sapat na nasa loob ka ng simbahan habang may Misa. Bilang Kristiyano, karapatan at tungkulin nating makibahagi nang buo, aktibo at may pagmamalay sa gawaing ito ni Kristo dahil sa ating tinanggap na binyag na kung saan naging bahagi tayo ng Mistikal na Katawan ni Kristo. Kailangang tayo ay tumutugon at sumasagot, nakiki-isa sa panalangin, kilos at awit, at nakikinig sa Salita ng Diyos at Homiliya. Hindi puwedeng dedma at NR (no reaction) dahil hindi naging dedma at NR ang Diyos sa atin.
Sinisikap ng ating ating parokya ang ating liturhiya upang gawin itong participative, ngunit kailangan din po na tayo ay makikipagtulungan at makikibahagi ayon sa nararapat.
martedì 6 marzo 2007
Iscriviti a:
Commenti sul post (Atom)
Nessun commento:
Posta un commento