Simpleng sagot: Sunday Best
Mahabang sagot at paliwanag:
Dahil iba-iba tayo ng taste, sa halip na magsabi kung ano ang dapat at hindi dapat, mas maganda kung ang pamantayan natin sa kung ano ba ang dapat isuot kapag nagsisimba ay ibatay natin sa ating values.
Kapag pupunta tayo sa isang party, reception o kasalan, hindi ba’t nagsusuot tayo ng maganda? Nagbibihis tayo ng maayos o magara para ipakita ang ating pakikisama sa pagdiriwang ng ating kaibigan o kakilala. Kung sa pagdiriwang ng kaibigan nating tao nagbibihis tayo nang maganda, paano pa kaya kung ang pupuntahan natin ay pagdiriwang ng Diyos at ng Sambayanan ng Diyos?
Kapag dadalo din tayo sa isang party o kahit ano’ng handaan na para sa ibang tao (maliban siguro kung kinaasaran o kagalit), nagbibihis ba tayo para mang-agaw ng pansin mula sa nagdiriwang? Nagbibihis ba tayo upang hikayatin ang iba na tayo ang pagtinginan?
Nagbibihis ba tayo para magpakita ng balat?
May mga kasuotang angkop at di-angkop sa isang lugar. Halimbawa, hindi tayo magsusuot ng bikini o swimsuit sa mall (maliban kung ikaw ay modelo o artista na may trabaho doon). Hindi tayo nagsusuot ng pangginaw sa beach (maliban kung ang beach na tinutukoy ay sa Antartica). Nagsusuot tayo (maliban kung kayo’y lalaki) ng ball gown sa mga debut o formal parties. Sa pagdiriwang ng Misa at ng ibang sakramento, ano kaya ang maisusuot natin na nakapagpapakita ng ating dangal bilang bahagi ng Simbahan, bilang mga anak ng Diyos at bilang kaisa ng mga natitipon?
Sa pagpili ng ating isusuot sa Misa, isipin natin kung angkop ba itong isuot para sa pagtitipon ng bayan ng Diyos, kung ito ba’y di makaka-agaw ng pansin ng ibang nagsisimba at kung ito ba ay maganda at kaaya-aya sa paningin ng Diyos.
Iscriviti a:
Commenti sul post (Atom)
Nessun commento:
Posta un commento