venerdì 16 marzo 2007

IPINAKITA NIYA SA KANILA KUNG HANGGANG SAAN ANG KANYANG PAG-IBIG: PAGDIRIWANG NG PAGPAPAKASAKIT NG PANGINOON

Ang araw ng Biyernes Santo ay para sa paggunita ng pagpapakasakit ng Panginoon, ang kanyang ginawang pag-aalay ng kanyang sarili para sa buong sangkatauhan at ang pagpaparangal sa krus na banal. Sa araw na ito hindi gaganapin ang kahit anong sakramento kahit Misa kung kaya’t ang ating liturhiya sa araw na ito ay walang Liturhiya ng Eukaristiya. Kahit walang Misa, ang liturhiya sa hapon ay bahagi ng Triduo na nagsimula noong gabi ng Huwebes kung kaya’t dapat makibahagi ang pamayanan dito.

Sa umaga, gawain ng Simbahan ang Panalangin sa Umaga (Morning Prayer) ng Panalanging Kristiyano sa Maghapon (Liturgy of the Hours). Malinaw na mas mataas ang gawaing ito sa iba pang panalangin i.e. Daan ng Krus kung kaya’t hindi dapat ito isantabi ng parokya. Ito ang tamang araw para gawin ang Daan ng Krus at hindi habang ginagawa ang Bisita Iglesia. Ang Daan ng Krus ay hindi dapat isabay sa liturhiya sa hapon. Maganda na gawin ito pagkatapos ng Panalangin sa Umaga.

Dapat bigyan ng tamang pagpapahalaga ang Panalangin sa Umaga at Pagdiriwang ng Pagpapakasakit ng Panginoon na pawang Liturhiya kaysa sa gawain debosyonal sa simbahan gaya ng Siete Palabras at Daan ng Krus. Hindi ibig sabihin ay tatanggalin ang Siete Palabras at Daan ng Krus, bagkus dapat itong mga gawaing ito ay tumuturo pabalik sa liturhiya sa araw na ito. Ang mga debosyong ito ay mga dagdag lamang sa panalangin ng Simbahan (i.e. Liturhiya).

Pangkalahatang Pakiramdam
Mahalaga sa pagdiriwang na ito ang pangkalahatang pakiramdam (ambiance) kung kaya’t maraming pagkakataon para sa tahimik na panalangin, walang gayak ang santuaryo, walang mga bulaklak, kandila at mantel ang altar, walang paglalahad ng kamay ang pari, at wala ring mga pagbati.

Pagpapatirapa
Magsisimula ang pagdiriwang sa tahimik na pagbalik sa santuaryo ng pari. Walang awit, walang maringal na prusisyon, ni hindi tatayo ang mga tao. Ang mga lingkod ay nakapuwesto na. Tahimik na lalakad ang paring tagapamuno mula sa sakristia papunta sa harapan ng dambana at doon sa harap nito ay dadapa ito. Lahat ng mga tao ay magsisiluhod at tahimik na mananalangin.

Liturhiya ng Salita
Matapos nito, tatayo ang tagapamuno at ang lahat ng natitipon. Hindi hahalikan ang altar. Magtutungo ang pari sa kanyang upuan at sasabihin ang panalangin. Hindi niya ilalahad ang kanyang kamay, ni hindi siya magsasabi ng ‘Manalangin tayo.’ Matapos nito, ipahahayag ang Salita ng Diyos. Sa unang pagbasa, maririnig natin ang isa sa mga awit ng nagdurusang lingkod ng Panginoon na tumuturo kay Kristo. Ayon sa ikalawang pagbasa, ginanap ni Kristo ang kanyang pagkapari sa kanyang kamatayan, inalay niya ang kanyang sarili gaya ng pag-aalay ng kordero, para ipagkasundo ang Diyos at sangkatauhan at iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Kung maaari ay aawitin ang Salmong Tugunan at dahil walang pagpaparangal sa Mabuting Balita, maaaring awitin ang koro ng Ubi Caritas o salin nito. Walang pagbati sa simula ng Mabuting Balita, wala ring pagkukrus sa aklat at sa noo. Maaaring ipamahagi ang pagpapahayag ng Mabuting Balita sa ilang tao habang pari ang gumaganap sa bahagi ni Kristo, ang bahagi ng taumbayan (crowd) ay maaaring ibigay sa mga tao habang pinamumunuan ng mga lingkod sa pag-awit (choir). Hangga’t maaari ay angkop ang boses ng gaganap sa tauhan sa pagbasa. Maaari ring gawing parang drama sa radio ang pagpapahayag ng pagpapakasakit at haluan ng awit ngunit hindi maaaring palitan ang pagpapahayag ng pag-awit ng Pasyon o ng isang pagtatanghal ng senakulo. Hindi palabas ang liturhiya. Ingatang huwag maging katawa-tawa ang gagawing pagpapahayag. Kapag mahusay ang pagganap sa bahaging ito, maaantig ang puso ng mga natitipon. Maaaring paupuin ang mga tao ngunit kailangan pa rin nilang tumayo at lumuhod – iminumungkahi na paupuin sa simula, patayuin kapag ipinapasan na kay Kristo ang krus, paluhurin sa punto ng kamatayan at patayuin hanggang katapusan.

Panalanging Pagkahalatan
Pagkatapos ng pagpapahayag, hindi hahalikan ang Aklat. Sabi sa Sakramentaryo, maaaring magbigay ng maikling homiliya o paliwanag pagkatapos. Pagkatapos nito, gaganapin ang Panalanging Pangkalahatan. Ang ginawang pag-aalay ng buhay ni Kristo ay para sa kapakanan ng lahat kung kaya’t ipinapanalangin sa sampung panalangin ang lahat – ang Simbahan, ang Papa, ang Obispo, Kaparian at lahat ng kaanib ng Simbahan, ang mga Inihahanda sa Binyag, ang pagkakaisa ng lahat ng Kristiyano, ang mga Hudyo, ang mga hindi Kristiyano, ang mga hindi naniniwala sa Diyos, ang mga umuugit sa pamahalaan at ang mga may tanging pangangailangan. Ang anyo ng Panalanging Pangkalahatan sa Biyernes Santo ay ang anyo na likas sa Simbahang Romano noong sinauna (ang anyo na ginagamit natin sa araw-araw ay nagmula sa Eastern Rite). Tatayo ang mga tao sa paanyayang manalangin at luluhod para manalangin at tatayong muli kapag pinahahayag ng tagapamuno ang panalangin. Maaari rin namang tumayo o lumuhod na lang ang lahat sa buong Panalanging Pangkalahatan. Pero kung luluhod, tandaan na pagkatapos nito ay luluhod na naman ang tao sa Pagpaparangal sa Krus na Banal.

Pagpaparangal sa Krus na Banal
Sa Pagpaparangal sa Krus na Banal, isang krus lamang ang gagamitin. Lalambungan ito ng pulang tela; sa paghahanda, dapat tandaan na unang tatanggalan ng takip ang ulunan, tapos ang kanang braso at tatanggalin sa huli. Mayroong dalawang paraan ng pagtatanghal sa krus at sa parehong paraan ipuprusisyon ang krus na may lambong patungo sa altar kasama ang dalawang lingkod na may dalang kandila. Sa unang paraan, dadalhin ito patungong altar kung saan tatanggapin ito ng tagapamuno sa gawi ng dambana at gagawin ang mga pagtatanghal sa lugar na ito. Sa ikalawang paraan, bababa ang tagapamuno at siya ang magpuprusisyon nito mula sa pintuan ng simbahan at gagawin ang pagtatanggal ng lambong at pagtatanghal sa pintuan, sa gitna ng simbahan at sa may gawi ng dambana. Tatanggalin ang lambong sa ulunan at itataas niya ito habang inaawit ang paanyaya at tutugon ang mga tao, pagkatapos, tatanggalin ang lambong sa kanang bahagi, muling itataas ito habang inaawit ang paanyaya at tutugon ang mga tao at sa pangatlo, tatanggalin ang buong lambong at itataas muli ang krus at gagawin ang sagutan. Matapos nito, ilalagay ang krus sa santuaryo sa pagitan ng dalawang kandila. Luluhod ang pari, mga lingkod at ang sambayanan sa harap ng krus at isa-isang pararangalan ito sa pamamagitan ng nakagawian i.e. paghalik. Maaari rin naman, kung masyadong marami ang mga tao at magtatagal (at dahil isa lang ang krus na maaaring gamitin), ay sabay-sabay na magparangal ang lahat sa pamamagitan ng pagluhod at tahimik na manalangin at saka na lamang pahalikan ang krus matapos ang pagdiriwang. Habang pinaparangalan ng krus na banal ay maaaring awitin ang mga Hinanakit (Reproaches) o ibang angkop na awitin.

Pakikinabang
Pagkatapos ng Pagpaparangal, gaganapin ang Komunyon, ang pakikinabang natin sa nasirang katawan ni Kristo. Lalagyan ng mantel at corporal ang altar. Tahimik na maghihintay ang lahat habang kinukuha ng tagapamuno/diakono/lingkod sa pakikinabang ang Banal na Sakramento. Maaaring maupo at tahimik na manalangin ang lahat. Ipapatong ang mga ciborium sa altar at mananalangin ang lahat ng Panalangin ng Panginoon. Pagkatapos nito, walang Panalangin para sa Kapayapaan at walang Kordero ng Diyos. Tahimik na magdadasal ang pari at pagkatapos, gaganapin ang pakikinabang sa karaniwang paraan. Pagkatapos nito, ang mga matitira ay ibabalik sa Altar of Repose o sa Tabernakulo, ngunit maaari rin na ubusin na lamang ito at mag-iwan na lang para sa mga maysakit.

Walang Paghayo
Pagkatapos ng Panalangin Pagkapakinabang, gaganapin ang pagpapanalangin sa sambayanan at wala muling paghayo. Maaaring iwan ang krus para sa patuloy na pagpapahalik at maaari na ring magsimula ang prusisyon ng Santo Entierro. Pagkatapos ng prusisyon ng Santo Entierro, maaaring ilagay ang imahen sa simbahan para sa mga tao.


Jeffrey Velasco
Hango mula sa Paschales Solemnitatis, Missale Romanum, Historical Development of Good Friday ni Genaro Diwa, Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit at Muling Pagkabuhay ng Panginoon ni Msgr. Andres Valera

Nessun commento: