martedì 24 febbraio 2009

Ash Wednesday reflection and Amiel's story

Remember, man, you are dust and to dust you will return.

At about 4:20 pm yesterday, a Grade 4 student and his nanny were crossing the street in front of Henry Lee Irwin Theater in the vicinity of the Ateneo Grade School when a van driven by a mother who was fetching her son struck them. Amiel was crushed between the van and a CRV. He died. He was ten years old.

Today is Ash Wednesday, it marks the beginning of Lent, the 40-day preparation to celebrate Easter Triduum and the Easter Season. Today we put ash on our heads, a reminder of the fact that like Amiel, we will die, we will return to dust, and so we must pursue things that would merit us a life after this one. The ash in cross form reminds us that our salvation, eternal life, is only given to us through the cross of Christ, who died and rose again for us, who calls us to leave our sins and believe and live in him. Thus, ash also signifies our commitment to change our lives for the better and to live according to the Gospel.

Kuwaresma

Upang maintindihan natin at maging makahulugan para sa atin ang panahon ng Kuwaresma, kailangan makita natin ito bilang panahon ng paghahanda para sa pagdiriwang ng pinakadakilang misteryo ng ating pananampalataya – ang Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Kamatayan at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo (Easter Triduum o Paschal Triduum), at ang pagpapalawig dito na panahon ng Pasko ng Pagkabuhay (Easter Season). Nagsisimula ang Kuwaresma sa Miyerkules ng Abo at natatapos sa paglubog ng araw sa Huwebes Santo. Ang Semana Santa naman ang huling bahagi ng Kuwaresma na nagsisimula sa Linggo ng Palaspas at Pagpapakasakit ng Panginoon at natatapos sa paglubog ng araw ng Huwebes Santo. Ang gabi ng Huwebes Santo ng Gabi hanggang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay hindi na Kuwaresma kungdi ang pinakatangi at mahalagang mga araw sa buong taon – ang Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Kamatayan at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.

Panahon ang Kuwaresma ng mga huling paghahanda ng mga nais maging kaanib ng sambayanang Kristiyano. Ayon sa sinaunang kaugalian ng Simbahan, ginaganap ang mga sakramento ng pag-anib sa sambayanang Krisityano (binyag, kumpil at eukaristiya) para sa mga hindi pa Kristiyano sa gabi ng Sabado de Gloria (Holy Saturday) sa Magdamagang Pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo (Easter Vigil). Bago ito daraan sila sa mahabang panahon ng paghuhubog ng diwa, pagninilay sa Salita ng Diyos, at pag-aaral sa pananampalataya, kung kaya’t pagsapit ng kanilang pag-anib sa Simbahan, tunay na nga nilang tinalikuran ang kanilang dating pamumuhay at mamumuhay sila ayon sa turo ng Panginoong Hesukristo – mga Kristiyano di lamang sa papel kungdi sa salita, gawa, pag-iisip at uri ng pamumuhay

Paghahanda din ito ng mga nabinyagan na ngunit nagkasala at pinagsisisihan ang kanilang mga kasalanan. Panahon ito ng paglilinis ng ating budhi mula sa mga humahadlang na tuparin natin ang kalooban ng Diyos, una na ang kasalanan. Bilang mga Kristiyano, tinatawag tayo upang mamuhay ayon sa pamantayan ng Mabuting Balita (Gospel) at kapag hindi natin ito nagagawa, nagkakasala tayo. Ngunit bukas naman ang Diyos sa ating pagbabalik-loob kung kaya nga’t binibigyan niya tayo ng pagkakataon sa sakramento ng pakikipagkasundo (Reconciliation) at sa panahon ng Kuwaresma upang makabalik sa kanyang tahanan gaya sa kuwento ng alibughang anak.

Para sa lahat ng Kristiyano at mga magiging Kristiyano, panahon ang Kuwaresma ng paglilinis, pagtalikod sa kasalanan at pagtatalaga ng sarili upang mamuhay ayon sa aral ni Kristo. Sa panahong ito, iminumungkahi para sa atin ang ilang mga gawain upang matulungan tayo sa layuning ito: pinaigting na pagninilay sa Salita ng Diyos, higit na taimtim na pananalangin, pakikipagkasundo sa Diyos at sa kapwa, pag-aayuno at pag-iwas sa ilang uri ng pagkain, at pag-aabuloy.


Pagninilay sa Salita ng Diyos

Makapangyarihan ang Salita ng Diyos – sa pamamagitan ng Salita lumikha ang Diyos at sa pamamagitan ng Salita din niya tayo iniligtas, sa Salitang Nagkatawang-tao – si Hesukristo. Tandaan natin na si Hesukristo ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao, namuhay dito sa daigdig, ipinako sa krus, namatay at muling nabuhay. Sa pamamagitan niya tayo ay nalikha at naligtas. Kung kaya’t mahalaga para sa isang Kristiyano na basahin at namnamin ang Salita ng Diyos na nasa Banal na Kasulatan, sa Karunungan ng Tradisyon at sa Turo ng Simbahan. Sa panahon ng Kuwaresma, inaanyayahan tayong buklatin ang ating mga Bibliya at magnilay sa Salita ng Diyos araw-araw. Maaari ring magsimba araw-araw, dahil sa Misa, ipinahahayag ang Salita ng Diyos at nangangaral ang lingkod na pari. Sa pagninilay natin higit na nakikilala ang Panginoon at higit tayong napapalapit sa kanya habang mas nakikilala natin siya.


Pakikipagkasundo sa Diyos at sa Kapwa

Layunin ng Buhay Kristiyano na makaisa ang Diyos at makibahagi sa kanyang buhay. Nilikha tayo na kaisa niya at nakikibahagi sa kanyang buhay ngunit sinira natin ito dahil sa kasalanan. Ngunit binibigyan niya tayo ng pagkakataon na maibalik ang nasira ng kasalanan sa pamamagitan ng Sakramento ng Pakikipagkasundo. Sa sakramentong ito, tinatanggap natin na nagkamali at nagkasala tayo at dumudulog tayo sa kanya upang patawarin tayo. Sa pamamagitan ng pari, natatanggap natin ang pagpapatawad ng Diyos. Huwag sana natin itong tingnan bilang pag-amin lang ng kasalanan, isang bahagi lang yun. Mas mahalaga na makita natin ito bilang kaisa-isang paraan na mababatid natin na pinatatawad tayo ng Diyos. Hindi naman mangyayari na kapag ibulong natin sa hangin ang kasalanan natin ay may boses na sasagot sa atin mula sa langit na nagsasabing pinapatawad na tayo. Kailangan natin ng tagapamagitan, kaya nga may pari. Para din mas maging makahulugan ang ating pakikipagkasundo sa Diyos, sana rin magawa nating makipagkasundo sa ating kapwang naka-alitan o nagawan ng kamalian. Kalooban ng Diyos na mag-ibigan tayo at magiging ganap ang paghilom ng ating relasyon sa Diyos kung mapaghihilom din natin ang ating relasyon sa ating kapwa.


Panalangin

Inaanyayahan din tayo sa panahon ng Kuwaresma para sa higit na pananalangin. Sa tradisyon ng mga Kristiyano, dalawang paraan ang panalangin – una ay pagdalangin kaisa ng pamayanan (communal) at ang pangalawa ay panalanging mag-isa (personal). Marami tayong pagkakataon na makasama ang pamayanan sa panalangin, una na ang pagsisimba tuwing Linggo o araw-araw, ang pagsama sa Panalangin ng Kristiyano sa Maghapon (Liturgy of the Hours), mga panata gaya ng Daan ng Krus at Bisita Iglesia, at iba pa. Maaari rin namang maglaan tayo ng oras sa pagdarasal nang mag-isa. Maari tayong magrosaryo, dumalaw sa Banal na Sakramento o gawin nang mag-isa ang pamamanata.


Pag-aayuno at Pag-iwas sa ilang uri ng Pagkain

Tinatawag tayo ng panahon ng Kuwaresma upang magsakripisyo para sa kapwa sa pag-aayuno at pag-iwas sa ilang uri ng pagkain. Kapag nag-aayuno, minsan lang sa isang araw kumakain. Agahan lang o tanghalian o hapunan. Sa pag-aayuno, nagkakaroon ng linaw ang ating isipan at naitutuon ito sa panalangin. Sa Kuwaresma iniiwasan natin ang ilang pagkain gaya ng karne. Ang punto ay iwasan natin ang mga pagkaing paborito natin bilang sakripisyo. Puwedeng hindi karne ang iwasan (lalo na kung vegetarian), puwedeng tsokolate, puwedeng caviar, puwedeng isaw – ang punto ay iiwasan natin yung hilig natin. Puwede din namang ang iwasan natin ay ang ating mga bisyo gaya ng paninigarilyo, pag-inom, pamimili (shopping) o kahit anong luho at kalabisan natin. Ginagawa natin ang mga ito para makapagtabi ng makatutulong na makakain ang mga nagugutom dahil sa kahirapan. Isa itong paraan upang ibigin ang kapwang nangangailangan.


Pag-aabuloy

Maraming paraan upang ipakita natin ang pagmamahal natin sa ating kapwa. Isa na dito ang aktibong pagtulong sa kanila. Sa kaugalian ng Simbahan, ginagawa ito sa pamamagitan ng paglilimos. Ngunit ayon sa karanasan sa pangkasalukuyan, hindi kailangan ng mahihirap ng limos – ang kailangan nila dangal. Walang silbi ang limos kung wala namang katarungang panlipunan. Di lamang dapat binibigyan ng pangangailangan ang mga maralita, dapat gumagawa din tayo ng paraan upang mawala ang mga bagay na nagpapanatili sa karalitaan gaya ng kamangmangan, katiwalian sa pamahalaan at lipunan, pagtapak sa karapatang pantao, at ang imoral na malaking agwat ng mayaman at mahirap. Hindi rin ibig sabihin na mayaman ang dapat magbigay sa mahirap, na parang may tagapagbigay at may tagatanggap. Lahat nagbibigay, lahat tumatanggap. Ganito ang sinaunang pamayanang Kristiyano sa mga Gawa ng mga Apostol, at ganito pa rin dapat tayo.

Ito ang nais ng Diyos na gawin natin: tigilan ang pag-aalipin at pairalin ang katarungan, palayain ang api at tulungan, pakainin ang nagugutom, patuluyin sa tahanan ang walang matirhan, damitan ang mga hubad, at tulungan ang kapwa (Isaias 58). Kapag wala tayong pakialam at wala tayong ginagawa para sa mga dukha, walang silbi ang panalangin, pag-aayuno at kung ano pa mang gagawin natin ngayong Kuwaresma. Kapag tinupad natin ang kaloobang ito ng Diyos, iniibig natin siya sa ating kapwa at sumasaatin siya.

Nawa maging makahulugan, makabuluhan at makatotohanan ang ating pagdiriwang ng Kuwaresma upang marapat nating maipagdiwang ang dakilang misteryo ng ating kaligtasan.